Diwa

Naranasan mo na ba?
Pagmulat ng iyong mga mata
Di malaman minsan
Kung malungkot o masaya ka.

Isang saglit bigla na lang luluha
Ng walang kadahilanan
Isang saglit bigla na lang mapapaindak
Sa naglalagablab na kaligayahan.

Mapapaisip ka at mapapabulay-bulay
Ito ba ay iyong kagustuhan?
O ang iyong isipan ang syang may taglay
Ng kautusang di mo alam kung may hangganan.

Mahirap kung minsan, di alam ang gagawin
Iindak ka ba o mahahabag sa pagiging alipin
Ng isang katauhan
Di mo alam kung susundin.

Mga nakapaligid di mabigyang lihim
Sa iyong nadarama na mataimtim
Mga matang ayaw pumikit paglalim ng dilim
Naghahanap, nag-iisip sa isang mundong malalim.

Sa isang banda para bang nagbubunyi
Sa mga isipan na kung anu-anong sumasagi
Mga nagbabagang tingin na para bang may sapi
Pati mga tinig na di magpasintabi.

Minsan may bumubulong di mapakiwari
Tila ba mga kaluluwang ligaw na nais bumati
Sa isang kwebang wari ay maluwalhati
Ngunit isipan ay nagpupumilit na mahati.

Ano aking gagawin, sino aking susundin
Sa mga pagkakataon na tila ba ay di akin
Nawa ako nawa ay dingin
Ng kalawakang nakapailalim sa akin.



Copyright © Grace Svensson
January 24,2018

by Grace Svensson

Other poems of SVENSSON (58)

Comments (0)

There is no comment submitted by members.