Tagalog Lyric: Sutrang Kulay Kayumanggi

Akala mo’y nasa tabi mo pa ako, namalaging lumpo walang imik o kibo
bagamat alam mo’ng lahat ay nagbabago, nag-iiba, sa daloy ng pangyayari—

walang tigil, kinakabahan-kung di pa nayari, Mahal, yariin mo na!

Laging nagnanais, nagnanasa, akala mo’y udyok ng katawan, ngunit pag-aari mo ba
ang mga bisig na iyan, mukha, suso, vulva, pigi—kanino ba iyan?

Halika sa loob ng kulambo, ibulong mo, kumukutob ang tiwalang nawawala.


Sa likod nati’y hindi makulay na salamin sa bintana kundi bukas na dungawan—
Sapat ba ang isip sa diwa upang malagom ang karanasang walang hanggan?

Saang pitak ng laman ilalagak ang sandaling ito na unti-unting lumilipas?

Iniakma mong tanggihan (ngunit tanggap sa loob) , di mahulo ang tiyak na hugis,
anyo, hubog—hungkag lahat, walang laman—paano maihahayag o makikilala

ang damdamin mo kahit di mo man ipagkaila? kung di pa nayari, mangyayari iyan.


Mahirap bigyan ng salita o larawan, ituro mo na lamang at sa bigkas ng labi mo
nabibigyan-kahulugan ang pumamapanaw di mo man mahipo o masalat-

dagling naglalaho—kay bilis, lumilihis—sumpang bunga ng pagluwal at pag-iral.

Lumabas ka sa kulambong masukal, Mahal, di maatim na walang kagampan
at, di biro, walang kaganapan sa buhay ng bawat nilikha, ng bawat nilalang

kaya sikaping lasapin ang aliw ng sandali, salubungin habang naglalaho, pumaparam….


Ngunit, sawimpalad, ito’y ilusyon lamang, malikmatang nakasusulukasok,
sapot sa matang dilat sa panginoring nakapaligid, nalilibiran ng samyo’t ganda

ng kalikasan- Halina doon sa lilim ng balete kung saan sumumpa,

talastas mong walang hiwaga, walang wika ang may bisang magbunyag o magpakita,
sa gayo’y ituro mo na lang ang landas—teka, hintay, sinong pumapalakpak?

Ipahalata mo lamang kung saan ang lusot, ipahiwatig kung saang lagusan


masusumpungan ang pagkatao mong hubad—doon kusang magaganap ang tipan
kahit walang kagampan, may ngiti ka namang iniingatan sa likod ng tuwa’t lumbay-

Sayang ba, Mahal? kinukutuban—kahit di pa hinog, sunggaban mo na!

Magkasaliwang kilos paikot ang umuugnay sa awit ng gabi at ngiti
ng madaling-araw, kasaliw ang tunog ng ulilang palad na pumapalakpak sa dilim:

Tahimik. Walang imik. Mayuming lumalapag ang mga talulot. Liwanag humahalik.

by Sonny San Juan, Jr.

Comments (2)

but it's cool! ! ! ! ! ! ! !
its cool...and awesome