Ang Paboritong Libro Ni Hudas - Bob Ong(Part 6)

GYNOTTUL
Naniniwala ka ba sa demonyo? Yung evil spirit na pumapasok sa katawan ng tao? Yung talagang impakto na kulay pula, may sungay, may pangil, at may hawak na malaking tinidor?
Simula yata nitong nakaraang dekada, hindi na natapos ang mga balita tungkol sa mga estudyanteng sinasapian daw ng mga masasamang espiritu. Merong sinapian ng tikbalang, white lady, dwende, diwata..., at kelan lang e kaluluwa ng Japanese soldier nung World War II. Pagkatapos naman ng news report, isa lang lagi ang conclusion: may sakit sa pag-iisip ang mga bata! Tao nga naman, hinahap and demonyo sa mga maling lugar. Kung nademonyo yung mga batang 'yon, bakit wala silang sinasaktan o pinapatay? Ang demonyo dapat e...demonyo - mas masahol konti sa mga politiko natin! Kaya kung ang gusto mo e yung totoong kwentuhang demonyo, eto...(Warning: Hardcore horror story follows.)
Nakakita na 'ko ng demonyo, napakaraming beses na. Kulay puti sila at marami. Solid sila at hindi kaluluwa. Pumapasok sila sa katawan ng tao pagkagaling sa aluminum foil. Napakaraming krimen ang nagaganap bawat oras dahil sa kanila. Yung mga masaker at rape cases na 'yan, paborito nila 'yun! Ang galing ng tirada. Sobra.
Alam mo ba yung sculpture na 'Pieta' ni Michelangelo? Eto yung yakap ni Maria ang bangkay ni Hesus pagkatapos tanggalin sa krus. Makikita mo dito yung hinagpis ng isang ina sa naging kapalaran ng isang tao na nanggaling sa kanya. Ganoon din ang hinagpis nung isang ina dati sa balita sa TV. Nagmamakaawang pawalan daw ng sala ang binatilyo n'yang nasangkot sa massacre. Maski ang nanay ko, awang-awa doon sa ina, at nag-comment pang mukha naman daw matino yung bata. Ang totoo, mukha ngang matino yung anak. Ang problema, pag nasa impluwensya ka nung nasabing demonyo, wala na ang katinuan mo. Lahat gagawin mo. Superman ka na, 'yun nga lang, may sungay! Wawasakin mo ang pamilya mo, mawawalan ka ng trabaho, manununog ka ng bahay, kakasta ka ng manok, papatay ka dahil lang sa bote ng coke...at sa huli, biktima ka rin pala! Andaming buhay at pangarap ang nauuwi sa wala dahil sa demonyong ito.
Anatomy of Satan:
Bilib din ako sa pinagmulan ng nasabing bisyo. Sino ba nagsabi sa tao na merong bato sa mundo na makakapagbigay sa kanya ng kakaibang karanasan? Napapraning ang mga lider ng iba't-ibang bansa sa posibleng pagmulan ng chemical war, pero walang nakakahalata na matagal nang sumiklab ang nasabing giyera at hindi na mabilang ang mga naging biktima nito. Kung wala isa man sa mga kakilala mo ang nasilo, pinagpala ka. Pero sa mga katulad ko at ng marami pa na kilala ng personal si Satanas, alam namin ang impyernong baon nito sa tuwi-tuwina. At di tulad ng polio na pwedeng puksain sa bakuna, ang bisyong ito e talamak at mahirap nang mapigilan. Bakit at paano? Ganito 'yan...
Simple business. Unang target yung mga kabataan na nalilito pa sa korte ng mundo. Syempre new clients, kaya mag i-special offer muna yung mamang may maitim na balak, budhi, at kilikili. At hindi 'yan 25%,50%,0 75% discount offer, kundi for F-R-E-E! Libre 'yan sa umpisa, to create the demand, ika nga. Pag na-hook sila, presto, may market na. At saka ngayon mananaga yung mama sa presyo. Kung kaya mo yung presyo, good, may ilang buwan ka pa bago maghikahos; pero kung hindi, e wala, matuto kang magnakaw ng gamit n'yo sa bahay para may maisangla. Simula ngayon, 'yan ang lifestyle mo, welcome to the jungle! Kung makakapatay ka man ng tao, side effects lang 'yan. No big deal.
Sa ngayon, meron akong isang gramo ng demonyong to. Souvenir. Nakuha ko sa ilalim ng upuan ng bisikleta ng itinuring kong malapit na kaibigan. Advanced stage na yata s'ya noon (nag-uumpisa nang mag-negosyo) , delikado na. Walang kasing pangit yung pakiramdam nung araw na niloko ko s'ya para lang madala sa pagamutan. Pero ayos na rin dahil buhay s'ya ngayon at wala sa kulungan. Good triumphs over evil - if and only if good fights.
Oo, sa panahon ngayon, mas madalas na kulay puti ang demonyo, hindi pula, at matindi ang impact. Mahirap ilarawan ang kabuuan ng kalagiman n'ya; simula sa epekto sa isang tao, sa mga mahal nito sa buhay, hanggang sa lipunan. Kaya nga saludo ako sa mga nagbuwis ng buhay sa ngalan ng pakikipaglaban dito. Gano'n din sa mga organisasyong kumikilos sa pagsugpo nito. Sa mga pamilya at magulang na may oras para alamin kung biktima ang mga anak nila. At higit sa lahat, sa mga taong matatag, matapang, at buong-loob na humaharap sa mga problema nila sa buhay.
Dalawang addict ang naglalakad:
'Pare, ' ang sabi ng isa, 'umiwas ka, tae 'yan.'
'Hindi, ' ang sagot ng isa.
'Pare, tae 'yan! '
'O sige, tikman natin.'
Tinikman nga ng dalawa.
'O sabi sa 'yo, tae 'yan e! ' ang sabi ng isa.
'Oo nga, buti hindi natin natapakan! '
(a true to life story)

Ang totoo, marami sa atin ang biktima ng ipinagbabawal na gamot, pero hindi natin ito alam. Kaya kailangan pa natin ng ibang tao na magsasabi nito sa atin. Ang kwento ng mga taong 'to na itatago na lang natin sa mga pangalang Nonoy at Luningning, at kung paano nila nalaman na biktima sila ng droga, ay hango sa tunay na buhay. Narito ang kanilang mga kwento upang magbigay inspirasyon sa lahat.
Inutusan ni Nonoy ang mga estudyante n'ya na pumila nang maayos sa flag ceremony. 'Find your height, alphabetically! ' utos n'ya. Sumigaw ang isang bata, 'Sir, kayo po ay nalululong sa ipinagbabawal na gamot! '
Relihiyosa si Luningning at palasimba. Kaya itinanong n'ya sa kaibigan kung pang-ilang Linggo ng Marso sa kasalukuyang taon papatak ang Ash Wednesday. 'ADEEEEEEEEK! ! ! ' napasigaw ang kaibigan n'ya.
Driver si Nonoy ng pampasaherong jeep. Apat na piso ang pamasahe. May nagbayad ng limang piso. Bago suklian, tinanong muna ni Nonoy ang pasahero: 'Ilan yung limang piso? ' Sumagot naman ang pasahero, 'Dalawa...kung adik ka.'
Nagbababad si Luningning sa isang swimming pool nang bigla itong mapundi dahil sa isang bata na paulit-ulit na maahon at tumatalon sa tubig, kaya sinigawan n'ya ito: 'Pwede ka bang magdahan-dahan? ! ? NAKAKABASA KA! ! ! ' Humingi ng dispensa ang bata at binilhan nito si Luningning ng cough syrup.
Nagpa-X-ray si Nonoy sa ulo. Nagulat ang doktor sa resulta. Malungkot n'yang ibinalita kay Nonoy na meron itong tumor sa ulo. Nanghina si Nonoy sa balita. Naluha. Pero nang makita ni Nonoy ang sariling X-ray, naalala n'yang hindi n'ya lang pala natanggal ang beinter singkong nakasukbit sa tenga bago magpa-X-ray. 'Nonoy, nonoy...adik ka.' Sabi ng doktor.
Nakikipagpagalingan si Luningning sa isang pinsan. Tanungan sila sa mathematics, multiplication. Ang tanging patakaran ay bawal magbigay ng problema na mangangailangan ng lapis at papel para ma-solve. Nang tanungin si Luningning ng '2,948x0, ' umayaw ito at inakusahan ang kalaban na nagbibigay ng mga mahihirap na tanong. 'Luningning, di yata't ikaw ay adik.' Paratang naman ng pinsan n'ya.
Rush hour. Naghihintay ng masasakyang jeep si Nonoy sa EDSA nang biglang magka-riot. Nagtakbuhan ang mga tao kaya nakitakbo na rin si Nonoy. Hindi n'ya lam na nag-uunahan lang pala yung mga tao para makasakay sa isang paparating na bus. 'Nunuy, yu kanat rayd hir bikus yu ar adik! ' sabi ng konduktor kay Nonoy.
Inutusan si Luningning ng nanay n'ya na bumili sa palengke ng 'skinless' longganisa. Pagdating sa palengke, tinanong ni Luningning ang isang tindera kung meron itong 'stainless' longganisa. 'Oo, suki! ' sabi ng tindera. 'At may discount ang mga adik.'
Dumalo si Luningning sa libing ng batang anak ng dating kapitbahay. Wala s'yang kakilala sa mga taong nakasakay n'ya sa isang arkiladong jeep. Para masiguradong hindi s'ya nakikipaglibing sa maling tao, tinanong n'ya ang katabing ale kung kaanu-ano nito ang namatay. Sumagot ang ale: Ninong ho namin sa kasal.' Tapos ay binigyan nito si Luningning ng shabu.
Inutusan si Luningning ng amo n'ya na mag-update ng passbook nito sa Metrobank. Dumating si Luningning sa banko at nakita n'yang masyadong maraming tao at mahaba ang pila. Tumawag ito sa amo n'ya at tinanong kung pwedeng sa PNB na lang s'ya mag-update. 'Hindi pwede, adik ka kasi.' Sagot ng amo n'ya.
Nasa party si Nonoy sa Luneta nang bigla s'yang nag-collapse. Nag-panic ang mga kabarkada ni Nonoy. Inisip nilang baka atake 'yon ng asthma, epilepsy, o cancer. Itinakbo nila si Nonoy sa pinakamalapit na hospital, at kabadong naghintay sa diagnosis ng doktor. Bumalik ang doktor na may dalang Zesto at Skyflakes para kay Nonoy. Nagdilim lang pala ang paningin ni Nonoy dahil sa gutom. 'Sabog ba kayo, mga anak? ' tanong ng doktor.
Magkatrabaho sina Nonoy at Luningning. Sa pagkukwentuhan nila habang lunchbreak, napag-alaman nilang pareho pala silang pumunta sa Glorietta noong nakaraang Linggo.
Luningning: Hahahaha! Nandoon din kayo?
Nonoy: Oo! Kumain ba kayo sa Choleng's Restaurant?
Luningning: Doon kami nag-lunch! Anong oras kayo nandoon?
Nonoy: Hahaha! Nandoon kami mga quarter to 2!
Luningning: Talaga? ? ? 2 PM yata kami kumain e!
Nonoy: Sayang hindi tayo nakita!
Luningning: SAYANG NAMAN! Syeeht...sayang talaga!
(Araw-araw sila nagkikita. Wala namang premyong house & lot sakaling magkita sila nang di sinasadya sa labas, pero hinayang na hinayang pa rin sila. AH! Baka sila'y may pot session!)

Napanood ko kanina sa TV si Teighlor, babaeng American model na umabot sa 719 lbs noong dekada 90. Hindi ko alam kung paano ilalarawan ang katawan n'ya. Hindi s'ya hawig ni Marshmallow Man sa Ghostbusters. Puro s'ya taba, pero hindi katulad ng karaniwang taba na nakikita natin sa tao. Puro 'layer' ang katawan n'ya, parang buu-buong taho, parang nilamas na dough at hindi pa nakokortehang tinapay. Medyo kakaiba talaga. Pero sa lagay na 'yan, hindi pa rin s'ya ang pinakamabigat na tao sa buong mundo. Dahil 38 lbs. na lang ang kulang e doble na ng bigat ni Teighlor si Jon Minnoch, ang pinaka-heavy-gat sa mgheavy guts. Sa taas na 6'1', may bigat si Minnoch na tulad ng sa karaniwang Amerikano na lumunok ng isandosenang karaniwang Filipina. Believe it...or believe it.
Gusto kong isipin kung ano bang meron sa pagkain na hindi maiwasan ng mga tulad nila Teiglor at Minnoch kahit sa kaunting oras. Pero may isa pang misteryo na pilit ko ring iniintindi. Ang anorexia at bulemia. Mga disorders pa rin sa pagkain, o sa pananaw ng tao sa sarili n'yang itsura. Pero bakit nga ba tayo masyadong nadadala sa pagko-control sa pagkain natin ganoong pwede naman itong solusyonan sa pisikal na paraan? Halimbawa, sa halip na nakaupo lang tayo at nakikinig ng balita sa radyo araw-araw o sapilitang nagpapasuka sa sarili, pwede tayong magkaroon ng mga activities na tutulong sa paggamit ng calories natin sa katawan. (Tandaan na ang hindi nasusunog na calories ang nagdadagdag sa atin ng bigat kalaunan.) Ang kailangan lang ay ang determinasyon at buong-loob na pwede nating pagkaabalahan at ang katumbas na calories na nagagamit sa bawat oras:
Basketball- - - - - - - - - - - - - 800 calories per hour(cph)
Volleyball- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -500 cph
Jueteng- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - 100 cph
Panonood: Survivor- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -60 cph
Panonood: pelikula ni Aubrey Miles- - - - - - - - 300 cph
Panonood: pelikula ni Aubrey Miles (no cuts) - 950 cph
Panonood: SONA ng pangulo- - - - - - - - - - - - - - 1 cph
Tennis- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -410 cph
Judo- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - 900 cph
Riot- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - 1,000 cph
Table Tennis- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - 240 cph
Table, chairs, and party needs- - - - - - - - - FOR RENT
Web browsing- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - 40 cph
Paglalaro ng Gameboy- - - - - - - - - - - - - - - - - 540 cph
Paglalakad sa tabing-dagat- - - - - - - - - - - - - - -50 cph
Paglalakad sa Recto- - - - - - - - - - - - - - - - - - -350 cph
Paglalakad sa Recto, alas-onse ng gabi- - - - -890 cph
Mountain Climbing- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - 600 cph
Social Climbing- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - 710 cph
Chat sa Internet- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -1 cph
Chat sa text- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - 1 cph
Chat sa telepono- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -1 cph
Pagtulog- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -1 cph
Swimming- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -300 cph
Swimming with sharks- - - - - - - - - - - - - - - - - 980 cph
Skiing- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -600 cph
Pag-a-apply ng visa para makapag-skii- - - - 1,600 cph
Cycling- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -210 cph
Running for public office- - - - - - - - - - - - 1,584.73 cph
Arraignment- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - 26,250 cph
Lethal Injection- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - 26,252 cph
Chopped walnuts- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - 1/2 cup
Flour- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - 1 cup
Margarine- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - 1/2 cup
Cream cheese- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -8 oz.
Confectioner's sugar- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - 1 cup
Cool whip- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -1 cup
Instant vanilla pudding- - - - - - - - - - - - - - - - - - - -1 ea.
Instant butterscoth pudding- - - - - - - - - - - - - - - -1 ea.
Milk- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - 2 3/4 cup
Haluin ang margarine at flour sa isang mixing bowl. Idagdag ang 1/4 cup na walnut. Ilagay sa 9'x13' na pan. Lutuin sa oven na may init na 350 degrees sa loob ng labinlimang minuto. Palamigin. Paghaluin ang sugar at cream cheese. Idagdag ang 1/2 cup na cool whip. Ipahid sa malamig na crust. Paghaluin ang pudding mixes at milk. Haluin hanggang sa tumigas nang kaunti. Ipahid sa crust at cheese mixture. Ipahid ang natitirang cool whip sa ibabaw at idagdag ang natitirang 1/4 cup na nuts. Palamigin sa refrigerator sa loob ng isang oras. Kainin sa kama habang nanonood ng TV...mmmmmm, sarrrrap! (Repeat 2x then fade.)

Ang gut ay ang muscular tube na nagmumula sa esophagus hanggang sa rectum. Umaabot ito ng apatnapung talampakan kung uunatin, at kadalasang naglalaman ng 200ml na hangin. Bawat araw, nagpapalabas tayo ng 400-200ml ng hangin galing dito. At ito, mga bata, ang tinatawag nating utot. [Applause.]
Halos siyamnapung porsiyento ng utot ay binubuo ng nitrogen, oxygen, carbon dioxide, hydrogen, at methane; ang natitirang sampung porsyento ay nahahati pa sa iba't-ibang gas. Ang nitrogen at oxygen ay nanggagaling sa hangin na nalulunok natin, samantalang ang carbon dioxide naman ay resulta ng pagkakahalo ng asido sa tiyan sa mga pancreatic juices at bicarbonate sa bile. Dumidiretso ang mga gas na ito sa small intestine, kung saan karamihan ng oxygen at carbon dioxide ay napapahalo sa dugo. Naiiwan naman ang nitrogen papunta sa malaking bituka.
Tumutulong din ang colon sa pagpoproseso ng gas. Ibinabahay nito ang mga bacteria na kailangan sa fermentation ng mga tira-tirang sustansya galing sa maliit na bituka, na s'ya namang responsible sa pagdami ng hydrogen, methane, carbon dioxide, at iba pang gas. Karamihan sa mga gas na 'to ay nahahalo sa dugo at nailalabas sa ating hininga, ang mga natitira naman ay nagsisilbing utot.
Tuwing lumulunok tayo ay nagdadala tayo ng hangin sa tiyan. Ganoon din kung tayo ay kumakain nang mabilisan, umiinom nang marami habang kumakain, ngumunguya ng bubble gum, naninigarilyo, umiinom ng beer, nagsusuot ng maluwag na pustiso, nanonood ng sine sa Recto, o basta lumulunok lang ng laway. May mga taong malakas lumunok ng hangin, lalo na kung kabado, pero hindi nila ito alam.
Maraming nag-aakala na ang malakas, madalas, at mabahong utot ay palatandaan na may mali sa katawan natin. Pero ang totoo, ang normal na tao ay umuutot ng humigit-kumulang labinlimang beses sa isang araw, depende sa kinakain. Oo, kahit ang mga magagandang artista ay marunong at may karapatan ding umutot. Ang utot ay kadalasang resulta ng fermentation ng mga bacteria na galing sa mga tira-tirang pagkain sa colon. Ang colon at fermentation ay ilan lang sa mga bagay-bagay sa mundo na hindi ko kayang tagalugin.
Samantala, ang diet na mataas sa fibre ay lumilikha ng mas maraming hangin kumpara sa low fibre diet o low carbohydrate diet, pero marami rin itong naidudulot na kabutihan. Ang high fibre diet ay nagpapalambot ng dumi, nakakatulong sa pagpapababa ng timbang, nagbibigay ng proteksyon laban sa colon cancer at maaari ring laban sa stroke at mga sakit sa puso, at tumutulong ibsan ang mga sintomas ng irritabe bowel syndrome. Ang kapalit nga lang ng lahat ng ito ay ang mala-weapon of mass destruction na gas. PERO maaari pa rin namang bawasan ang dami ng utot kahit na mataas sa fibre ang diet mo. Ang kailangan lang gawin ay iwasan ang mga masisipag at taga-gawa ng hangin. Nangunguna na rito ang beans na pinagmumulan ng oligosaccharides: mga carbohydrates na hindi natutunaw sa maliit na bituka, at sa halip ay nagiging pagkain ng mga bacteria sa colon. Repolyo, singkamas, sibuyas, bawang, cauliflower, Brussel sprouts, at sunflower - lahat ito ay mga magigiting na supplier ng utot. Ang pagbawas ng pagkain sa mga 'to ay pagbawas din ng utot.
May mga tao na bagama't malusog ay kulang sa enzyme na kailangan sa pagtunaw ng lactose, ang asukal sa gatas ng baka. Dahil dito, dumadaan sa proseso ng fermentation ang lactose sa colon, at lumilikha ng maraming hydrogen at carbon dioxide. Ang kondisyon na ito na kadalasan ding dahilan ng pamumulikat ng tiyan ay tinatawag na lactose intolerance. Bukod d'yan, ang Sorbitol na ginagamit bilang pampatamis sa mga diebetic diets, jams, at sugarless chewing gum, ay hindi rin natutunaw sa maliit na bituka. Sa halip, ito ay nagiging dagdag utot tulad ng lactose.
May mga kondisyong medikal tulad ng Crohn's disease, Coeliac disease, at iba pang 'malabsorbative states' ang nagiging sanhi ng sobrang utot dahil sa sirang panunaw. Ang mga nabanggit na kondisyon ay iniuugnay sa mga sintomas na gaya ng pananakit ng tiyan, pagbaba ng timbang, anemia, at paulit-ulit na diarrhea. Nangangailangan ito ng atensyon ng doktor, pero pwede rin ang barangay tanod.
Samantala, ang malakas at maingay na utot ay sanhi ng matinding contraction sa mga dingding ng bituka na s'yang nagpipilit magpalabas ng gas sa masikip na pwetan. Sa kabilang banda, ang utot naman na mabaho ay sanhi ng mga indoles, skatoles, at hydrogen sulphide na resulta ng bacterial fermentation sa colon. Nagpapabaho rin ang mga bawang, sibuyas, at iba pang panghalo sa pagkain, lalo na ang mga asafoetida na madalas gamitin sa mga lutuing Indian. Ang beer, white wine, at fruit juice ay sinasabing nagpaparami rin ng hydrogen sulfide sa ibang tao. Walang lunas sa malakas at mabahong utot, bagama't sinasabing nakakatulong ang activated charcoal sa pagbabawas ng dami at amoy nito.
[Takdang aralin para sa Lunes: Sagutin ang mga tanong sa pahina 17 -942 ng 'Masayang Pamayanan.' Isulat sa isang buong papel ang iba't-ibang paraan kung paano nakakatulong sa isang komunidad ang utot at kung paano nito pinapakapal ang ozone layer. Maghanda ng 650 pesos pambayad sa test papers na gagamitin sa surprise quiz. Manood din ng Dragon Ball Z at isulat ang buod nito.]

Isa sa mga itinanong dati ni Santiago sa klase namin sa Philosophy ay kung paano namin mapapatunayan na anak nga kami, at hindi ampon, ng mga kinikilala naming magulang. Wala nga namang silbi ang mga personal records, public documents, at medical exam dahil simple lang dayain ang mga ito. At kung magko-conspire ang buong mundo (o kahit ang mag-anak mo lang) , madali kang maloloko at mapapaniwala sa lahat ng kasinungalingang ibibigay nila sa 'yo.
Pero intro lang pala 'yon para sa isang class discussion tungkol sa 'faith.' May mga bagay daw sa mundo na tinanggap na lang natin bilang katotohanan kahit walang pruweba o paliwanag.
Nang magpasukat ako dati ng salamin sa mata, tinanong ako kung gusto ko magpalagay ng 'computer tint' - isang coating material sa salamin na magpo-protekta sa mata mo laban sa radiation ng monitor. May konting dagdag sa presyo, syempre. Pumayag ako. Pero sa mga pagkakataon na ginamit ko ang salamin na 'yon, wala akong pruweba na protektado nga ang mga mata ko sa screen radiation at UV rays. Pinaniwalaan ko lang na ganoon nga dahil 'yon ang sabi ng optometrist.
(Kung gusto mong ma-praning, ituloy mo lang ang pagbabasa...)
Kaya isipin mo ngayon: Ilan nga ba sa atin ang nakapunta na sa buwan? Nakakita sa Pluto? Sa Neptune? Halos wala! Sa pitong bilyong tao sa mundo, mabibilang lang sa daliri ang mga taong nakakita sa iba pang planeta sa kabuuan ng sinasabing Milky Way. PERO - naniniwala tayo na ang sandaigdigan natin ay ang mismong sandaigdigan rin na ipinakilala sa atin ng mga naghaharing bansa sa mundo at ng mga explorers nila.
Eto pa, ipinagmamalaki ng dati kong multivitamins na meron itong thiamine mononitrate, riboflavin, pyrodoxine hydrochloride, cyanocobalamin, nicotanamide, calcium pantothenate, at ascorbic acid...pero hindi ko naman kilala ang mga 'to at hindi ko alam kung ano ang plataporma nila sa katawan ko. Kung kaya mapupunta ang usapan natin ngayon sa mga gulay.
Ayoko ng gulay. Kung ako si Superman, kailangan mo lang ilapit sa akin ang hiniwang pipino para manghina ako. Hindi mo na kailangan maghanap ng kryptonite. Isang pipino lang. Hiniwang pipino...o kaya lumpiang ubod, diningding, papaitan, pakbet, pinakbet, laing, kamatis, bawang, sibuyas, okra, talong, repolyo, labanos, mustasa (kahit hindi ko alam kung ano 'yon) , bataw, patani, kundol, patola, at bahay kubo - lahat 'yan, ayoko! GWARRRRK! <*suka*>
Oo, masustansya nga ang mga gulay, pero masarap ba? At kung kakain ka ng mga halaman, e di sana naging kabayo ka na lang! Saka hindi lang naman mga gulay ang may bitamina. Kung gagamitin natin ang sukatan ng mga nutritionist, maraming malasang pagkain ang mas masustansya pa sa mga gulay. Katulad na lang ng pork barbecue. Ito ay may 84.2 grams(gm) ng protein, .6 milligrams(mg) ng iron, at 0% fat. Isa pa ang potato chips. Meron itong 2,500 IU ng Vitamin A,40mg ng Vitamin C, at 400 IU ng Vitamin D. Kabilang din sa grupong ito ng mga masasarap at masustansyang pagkain ang hamburger, popcorn, at pizza pie na pare-parehong may 10.2mg na Niacin,45mg na Calcium,1.3mg na Iron, at 27mg na Vitamin C kung kakainin mo pati ang kahon ng pizza pie. At kung inaakala mong walang mapapala sa kakahithit ng sigarilyo, nagkakamali ka! Dahil ang isang stick ng yosi e merong 285 IU ng Vitamins A at D. At madadagdagan pa ng 1,200mg ng Calcium at two flourides kung sasabayan mo ng Lambanog. Kita mo na? 'Yan ang mga bagay-bagay na inililihim sa atin ng mga nutritionist, sa di malamang kadahilanan. Pero isipin mo, ipagpipilitan ba nila sa atin ang mga gulay kung wala naman silang mapapala dito? Hindi! Ano ang benepisyo sa kanila kung sakaling lumusog nga tayo? Wala! Pero patuloy pa rin silang nagsisikap sa gawaing ito. AT BAKIT? ? ? Makinig ka maigi: Dahil. Gusto. Nilang. Mahawa. Ang buong sangkatauhan sa Foot & Mouth disease na nakukuha sa mga uod sa gulay. Balak rin nilang malason tayo ng tira-tirang pesticides galing sa mga itinitindang gulay sa palengke. At gusto nilang mahiwa ang kamay ng mga tao habang naghahanda sa kusina ng lutuing gulay! Ito mismo ang ginagawa ngayon ng mga tinatawag nating 'nutritionist' para sila ang maghari sa mundo pag naubos na tayo! Pero hindi mo alam 'yon, tao, dahil pagmulat ng mga mata mo dito sa mundo ay tinanggap mo na lang ang lahat bilang katotohanan! At alam mo ang kapalit? - HABAMBUHAY NA PAGKAIN NG MGA GULAY! ! ! ! ! ! ! ! ! !
Yikes. <*sign of the cross*>

< ' > Saan na 'ko ngayon pupunta?
<.- -.>.
< ' > Ha?
<.- -.>...
< ' > Ba't ayaw mong sumagot?
<.- -.> Hindi mo pa sinasagot ang pangsampu at huling tanong.
< ' >..
< ' > Naguguluhan pa rin ako, mahirap paniwalain ang sarili ko...
<.- -.> Magaling kang magduda at hirap kung maniwala...nakakabilib talaga na umaabot pa ang tatlumpu't-limang taon sa lupa ang mga tulad mo.
< ' > Tama ang sinabi mo kanina...ano ba ang epekto sa akin kung meron mang Diyos o wala?
<.- -.> Marunong ka bang magpinta?
< ' > Oo, 'yun ang hilig ko noon. Pintor dapat ako ngayon kung pumayag lang ang mga magulang ko.
<.- -.> Marunong kang gumamit ng imahinasyon?
< ' > Oo.
< ' > Bakit?
<.- -.> Kaya mo ba ngayong ilarawan sa isip mo kung anong klaseng lugar pwedeng maging ang mundo kung ang lahat ng tao ay nagmamahalan at walang makasarili?
< ' > Lahat naman nangangarap ng ganyan e.
<.- -.> Saan nanggaling ang pangarap na 'yan?
< ' > Alam ko ang ibig mong sabihin...pero anong kinalaman n'yan sa tanong ko?
<.- -.> Dahil ba sa mga tanong na 'yan kaya hindi ka naniniwala?
< ' > Oo.
<.- -.> Tama ba ko kung sasabihin kong, tulad ng karaniwang tao, mga pruweba rin ang hinahanap mo?
< ' >..
<.- -.> Hindi lahat ng bagay ay kayang ipaliwanag ng Science at pwedeng intindihin ng isip mo. Sa ngayon ay patuloy pa rin ang research tungkol sa HIV at autism, sa dinosaurs at evolution, sa paranormals at UFO, sa earthquakes, tornadoes, at global warming. Kahit ang mismong computer e hindi n'yo pa nagagawa nang pulido!
<.- -.> Gusto mo bang nalilimitahan ka nang ganito?
< ' > Gusto mong maniwala kami sa hindi maipaliwanag?
<.- -.> May pagpipilian pa ba kayo?
< ' > Dahil sa 'hindi maipaliwanag' kaya maraming nagbubuwis ng buhay. Ang mga giyerang isinisisi mo sa amin ay dahil sa ipinagmamalaki mong 'hindi maipaliwanag.' Gusto mong maligtas kami sa pananalig sa hindi namin nakikita, kahit na ang pananalig ding 'yon ang dahilan ng mga hidwaan namin.
<.- -.> Tinitignan mo ba ang basong kalahating bawas o ang basong kalahating puno?
< ' > Tinitignan ko ang katotohanan - ang mga pinaslang na tao, sinunog na lungsod, at sinirang sibilisasyon dahil sa pangalan mo!
<.- -.> At sino ako?
< ' > HINDI KO ALAM! ! !
< ' > Dahil ayaw mong magpakita...ayaw mong bumaba d'yan sa trono mo!
<.- -.> Bumaba na 'ko noon.
<.- -.> Bakit kailangan n'yo pa 'kong hanapin matapos n'yo 'kong parusahan at ipako sa krus?
< ' > Bakit hindi ka bumalik?
<.- -.> 'Wag kang magmadali.
< ' > Pero anong klaseng pagbabalik ang gagawin mo? Hindi ba para lang itapon kami lahat sa walang-hanggang apoy?
<.- -.> Ayon kanino?
< ' > Ayon sa bibliya mo!
<.- -.> At naniwala ka naman sa bibliya?
< ' >..
< ' >...
< ' > Oo.
< ' >.
<.- -.> 'Yun naman pala e, bakit pinahihirapan mo pa rin nang ganito ang sarili mo?
< ' > Walang madali...
< ' > At mahirap kang intindihin!
<.- -.> Naiintindihan ko 'yon.
< ' > Hindi.
< ' > Kung naiintindihan mo, may gagawin ka!
<.- -.> Meron nga.
< ' > Oo, pero para lang sa mga nagpakahirap sumunod sa 'yo.
< ' > Sila lang ang may premyo.
<.- -.> Sandali, hindi ako si Santa Claus.
<.- -.> Mas galante ako doon.
< ' > Pero bakit?
< ' > Para saan ka?
< ' > Hindi ko maintindihan kung bakit ka namin kailangan?
<.- -.> Sa parehong paraan na hindi rin alam ng halaman kung bakit kailangan n'ya ng lupa?
< ' > Hindi ko alam kung bakit kailangan naming maniwala sa 'yo...
<.- -.> Pero naniniwala kayo sa mga umiiyak at nagbubuntis na imahen, sa mga swerteng pusa at malas na numero, at nagdarasal sa mga puno sa gitna ng kagubatan dahil sa kung anong enerhiya ang nandoon?
< ' > Dahil wala ka.
<.- -.> Saan mo ba ko hinahanap?
< ' > Sa lahat!
<.- -.> Hinanap mo nga ba ako...o ang kawalan ko?
<.- -.> Mas madaling makita ang wala.
< ' >.
< ' >..
< ' > Masyado kang pahirap...
< ' > Nilagay mo kami sa mundo para lang subukan, buong buhay namin...
< ' > At hindi ka tumatanggap nang hindi matibay.
<.- -.> Sino na naman may sabi sa 'yo n'yan?
< ' > Sagutin mo 'ko, bakit kailangang maniwala ako sa 'yo para lang maligtas sa kaparusahan?
<.- -.> Kung hindi ka naniniwala sa akin, bakit kailangan mo pang problemahin ang kaparusahan? Ba't mo pa tinatakot ang sarili mo? ? ?
<.- -.> Huwag mo na 'kong problemahin!
< ' > Hindi kita pinuproblema. Nabuhay ako sa mundo nang ayon sa paniniwala ko.
<.- -.> Lahat naman ng tao e. Regalo ko sa inyo ang malayang pagpapasya tungkol sa lahat ng bagay, di ba?
< ' > Nasaan ang regalo mo sa mga taong namatay sa concentration camps dati? Nagamit ba nila ang malayang pagpapasya?
<.- -.> Higit sa lahat.
< ' > Sinungaling!
<.- -.> Hindi dahil sa hindi mo naiintindihan ang isang bagay ay kasinungalingan na ito.
<.- -.> At hindi lahat ng kaya mong intindihin ay katotohanan.
<.- -.>..
<.- -.> Kung wala ka nang tanong, maaari mo na bang sagutin ang akin?

by opium lestre

Comments (1)

banta sidfhasdai; fidadshfurihsdfahi; fdihfdhiweihiefw][o34204WTEO[IHREA[FAOUHWDFO[UFAS[OIIYHFSEDOIHUSFDAOIHUFEWDOIHUF